DAGUPAN CITY- Lip service lamang umano ang pag-apruba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagsuspinde sa excise tax.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jerome Adonis, Chairperson ng Kilusang Mayo Uno, maliit lamang ang magiging epekto nito sa kinakailangang kagyat sa pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo at tila hindi pa kagustuhan ng pangulo na gamitin ito agad.
Aniya, long-over due na ito at dapat na kabilang ang Value Added Tax (VAT) sa sususpindihin.
Giit niya na mayroon naman kakayanan ang pangulo na agad itong ipatupad subalit, ayaw lamang ito gawin dahil mas pinakikinggan nito ang interes ng mga negosyanteng malapit sa kaniya.
At mas sinasamantala ng mga negosyanteng ito ang pagkakataong kumita lalo na ang epekto ng Oil Deregulation Law.
Dahil dito, hindi umano nila makita ang sinseridad ng pangulo sa pagtugon sa kinakaharap na krisis sa petrolyo.
Saad pa niya na dapat ibalik na sa gobyerno ang kapangyarihan sa pag-aangkat ng langis at pagbebenta nito upang hindi ito napapatungan ng doble-dobleng presyo.
Dagdag pa ni Adonis na sa bigat ng epekto ng krisis sa bansa, napipilitan na lamang ang publiko na maghigpit sa pagtitipid.










