Magkakaroon ang Sangguniang Bayan ng Bayambang ng pampublikong pagdinig sa Marso 26, 2026, kaugnay ng panukalang pagtaas ng pasahe sa tricycle.

Ayon sa abiso, ito ay upang talakayin ang hiling ng mga driver at operator na itaas ang minimum na pasahe. Kabilang sa inaasahang dadalo ang mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA), mga may-ari ng tricycle, at mga komyuter.

Batay sa petisyon ng United TODA Federation of Bayambang Inc., iminungkahi ang pagtaas ng minimum fare mula ₱25 hanggang ₱30 dahil sa patuloy na pagmahal ng gasolina, langis, at iba pang pangunahing bilihin. Iginiit ng grupo na naapektuhan ang kita ng mga driver at kinakailangang maitaas ang pasahe upang matustusan ang araw-araw na gastusin at maintenance ng kanilang sasakyan.

--Ads--

Binanggit din sa petisyon na patuloy ang pagtaas ng demand sa tricycle bilang pangunahing transportasyon sa bayan, ngunit hindi sumasabay ang kita ng mga driver sa pagtaas ng presyo ng bilihin.

Hinikayat ng lokal na pamahalaan ang publiko na dumalo at magpahayag ng kanilang opinyon at suhestiyon hinggil sa panukalang dagdag-pasahe.