Inaasahang maisasaayos na ang San Juan Hanging Bridge sa bayan ng Agno.
Ayon kay Barangay Captain George Braga ng San Juan, Agno nasira umano ito ng bagyong Emong matapos itong mag-landfall sa malapit na bahagi West Philippine Sea.
Aniya, maraming puno ang nabuwal at inanod patungo sa Balincaguin River, dahilan upang tumaas ang lebel ng tubig.
Dahil dito, nabangga at nasira ang hanging bridge sa lugar, kaya’t napilitan ang mga residente na gumamit na lamang ng bangka bilang pansamantalang transportasyon.
Dito na binigyang diin ni Braga na malaki rin ang epekto nito sa kabuhayan ng mga mamamayan, lalo na sa sektor ng agrikultura.
Sa katunayan aniya, nahihirapan silang itransfer ang mga agricultural products dagdag pa ang pagkapinsala ng mga ito.
Panawagan nito kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at kay Department of Public Works and Highways (DPWH), sa pamumuno ni Secretary Vince Dizon na tulungan ang kanilang lugar upang muling makabangon.
Dahil hindi lamang ang kanilang barangay ang makikinabang sa pagkukumpuni ng tulay kundi pati na rin ang mga karatig na lugar.
Samantala, ipinaliwanag ni Engr. Kevin Bensan, Planning Coordinator ng Pangasinan District I, na nakaplanong magtayo ng bagong tulay na mas matibay at permanente.
Ayon sa kanya, itataas ang disenyo ng approach at mismong tulay, na may nakalaang badyet na humigit-kumulang ₱100 milyon.
Dagdag pa niya, inaasahang magkakaroon ito ng sapat na lapad upang makadaan ang dalawang sasakyan nang sabay.
Nakapaloob na rin umano ang proyekto sa regional budget proposal.










