DAGUPAN CITY—Nagpapatuloy ang masinsinang paghahanda ng tanggapan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office para sa nalalapit na Semana Santa ngayong Abril.
Ayon kay Operation Supervisor Vincent Chiu, aktibo silang nakikibahagi sa isinagawang Regional Pre-Disaster Risk Assessment o PDRA na pinangunahan ng Office of Civil Defense, habang isinasagawa na rin ang plano para sa PDRA sa pambansa at lokal na antas na sila naman ang mangunguna.
Inaasahan din aniya na sa susunod na linggo ay itataas na ang kanilang alert status mula sa white alert patungong blue alert bilang bahagi ng mas pinaigting na kahandaan.
Nagkaroon na rin ng paunang koordinasyon ang ahensya sa iba’t ibang tanggapan sa buong rehiyon upang mapabilis ang mga kinakailangang paghahanda para sa Semana Santa.
Kasabay nito, nakipag-ugnayan na rin sila sa Department of the Interior and Local Government at sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagbabantay sa kani-kanilang lugar, lalo na sa mga baybaying-dagat at mga ilog, upang maiwasan ang pagtaas ng insidente ng pagkalunod.
Samantala, kaugnay sa mga insidente ng jellyfish sting, sinabi ni Chiu na wala pa silang naitatalang kaso sa ngayon. Gayunpaman, inaasahan ang pagdami ng mga ito sa mga dalampasigan dahil sa papalapit na mainit na panahon. Tiniyak naman niya na agad silang kikilos at magpapatupad ng mga hakbang sakaling may mamataang jellyfish upang mabawasan ang panganib sa publiko.
Ipinaalala rin niya na ang mga paunang sintomas ng pagkakadikit sa jellyfish ay kinabibilangan ng pangangati at rashes, at sa mas malalang kaso ay hirap sa paghinga.
Kung makaranas umano ng ganitong sintomas, agad na hugasan ang apektadong bahagi gamit ang suka o maligamgam na tubig, at dalhin ang pasyente sa pinakamalapit na ospital para sa agarang gamutan.










