DAGUPAN CITY- Patuloy na ipinagdiriwang sa bayan ng Mapandan ang Pandan Festival 2026 sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibidad na naglalayong pagtibayin ang pagkakaisa ng komunidad at makalikom ng pondo para sa mga proyektong pangkalusugan ng lokal na pamahalaan.
Ayon sa alkalde ng bayan na si Mayor Karl Christian Vega, muling isinagawa ang Ginoong Mapandan matapos ang dalawang dekada bilang tugon sa kahilingan ng mga residente na magkaroon ng karagdagang uri ng paligsahan, kasabay ng pagpapatuloy ng mga pagtitipon na nag-uugnay sa iba’t ibang sektor ng komunidad.
Dagdag pa ng alkalde, mahalagang bahagi ng selebrasyon ang pagbibigay-daan sa mas malawak na partisipasyon ng mamamayan, kung saan nagiging pagkakataon ang pista upang muling magkita-kita ang mga residente, kabilang ang mga balikbayan, at mapalakas ang ugnayan ng bawat isa sa kabila ng matagal na panahon ng pagkakahiwalay.
Ayon kay Vega, isinagawa rin ang iba’t ibang inisyatibo para sa pangangalap ng pondo, kabilang ang raffle na nag-alok ng malaking papremyo, kung saan napagdesisyunang gawing cash ang pangunahing gantimpala ngayong taon upang mas maging kapaki-pakinabang sa mananalo at mas makahikayat ng mas maraming kalahok.
Samantala, ang malilikom na pondo mula sa mga aktibidad ng kapistahan ay nakatuon sa pagtatayo ng isang Dialysis Center sa bayan, na inaasahang makatutulong sa mga pasyenteng nangangailangan ng regular na gamutan, lalo na sa mga residenteng hirap bumiyahe sa malalayong ospital.
Inaasahan ng lokal na pamahalaan na magpapatuloy ang mga programang ito para mapabuti ang serbisyo at mapanatili ang ugnayan ng komunidad.










