Nasa maayos nang kalagayan ang isang 18-anyos na lalaki matapos masaksak sa bayan ng Lingayen, Pangasinan.
Nangyari ang insidente sa Baywalk area ng Brgy. Poblacion sa nasabing bayan.
Batay sa imbestigasyon, nagtungo sa lugar ang biktima kasama ang ilang kaibigan upang mag-inuman.
Sa kanilang pagdating ay naroon na rin ang isa pang grupo na nag-iinuman.
Kalaunan ay lumapit sa grupo ng biktima ang dalawa sa mga lalaki mula sa kabilang grupo.
Makalipas ang ilang sandali, habang paalis na sana ang grupo ng biktima, ay nagkaroon umano ng komprontasyon na nauwi sa pananaksak.
Tinamaan ng saksak sa tiyan ang biktima bago tumakas ang suspek mula sa lugar.
Agad namang dinala sa pagamutan ang biktima upang mabigyan ng lunas at sa kasalukuyan ay nasa maayos na itong kalagayan.
Samantala, naaresto ng mga pulis ang suspek matapos ang isinagawang follow-up operation.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang buong detalye at motibo ng insidente.










