Hinihikayat ng Office of Civil Defense (OCD) Region 1 ang publiko na makilahok sa gaganaping first quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill upang mapalakas ang kahandaan ng mga komunidad sakaling tumama ang malakas na lindol sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Adreanne Pagsolingan -Public Information Officer OCD Region 1 na mahalaga ang regular na pagsasagawa ng earthquake drill upang masanay ang mga mamamayan sa tamang aksyon sa oras ng lindol.
Ayon sa kanya, sa pamamagitan ng quarterly nationwide earthquake drill, nagiging bahagi na ng “muscle memory” ng publiko ang tamang hakbang na “duck, cover and hold” na dapat gawin sa oras ng pagyanig.
Ipinaliwanag ng OCD na ang kakulangan sa sapat na kaalaman at pagsasanay tungkol sa tamang gagawin sa oras ng lindol ay maaaring magdulot ng mas maraming nasusugatan o nasasawi.
Ayon kay Pagsolingan, kung alam ng publiko ang mga unang hakbang tulad ng duck, cover and hold at ang tamang paglikas patungo sa ligtas na evacuation centers, mas malaki ang posibilidad na mabawasan ang mga casualty sa oras ng sakuna.
Binanggit din niya na mahalagang bahagi ang earthquake drills sa pagpapalakas ng disaster preparedness sa mga institusyon tulad ng mga paaralan, opisina, barangay at lokal na pamahalaan.
Sa pamamagitan ng mga drill, nasusubok ang iba’t ibang plano ng mga ahensya tulad ng contingency plan, public service continuity plan at business continuity plan.
Ayon pa sa opisyal ng OCD, malaking tulong din ang regular na drill upang mabawasan ang panic ng mga tao kapag nakararanas ng aktwal na lindol.
Binigyang-diin ni Pagsolingan na ang patuloy na pagsasanay at edukasyon tungkol sa disaster preparedness ay mahalagang hakbang upang makabuo ng isang disaster-resilient na lipunan.
Aniya, hindi lamang sa lindol nakakatulong ang ganitong mga aktibidad kundi maging sa paghahanda sa iba pang uri ng kalamidad.




