Iniulat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 1, na wala pa silang natatanggap na pormal na petisyon o request para sa posibleng taas-pasahe mula sa mga transport service entities sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Cristal Sibayan, Regional Director ng nasabing opisina , patuloy silang nakikipag-ugnayan sa ilang transport sectors sa rehiyon para mapag-usapan ang ganitong bagay.
Pero hindi naman aniya basta-basta ito dahil kapag may dumating sa kanilang opisina na request ay isinusumite pa nila ito sa central office para sa masusing pag-aaral.
Ibinahagi rin niya na prayoridad pa nila ngayon ang pagbibigay ng fuel subsidy sa mga transport sector upang maibsan kahit papano ang problema sa langis.
Kasabay nito, pinayuhan niya ang mga pasahero na maging maingat at laging humingi ng fare matrix upang maiwasan ang sobra-sobrang singil.
Hinikayat din niya ang publiko na i-report ang mga hindi patas na singil sa kanilang tanggapan at posible umanong suspindihin ang prangkisa ng mga operator o driver na mahuling lumalabag.
Nangako rin ang ahensya ng mas mahigpit na pagmamanman sa presyo ng petrolyo sa rehiyon at pasahe sa pamamagitan ng kanilang itinalagang mystery passengers para mapanatili ang patas na pasahe.
Sa gitna ng nararanasang krisis sa langis, nanawagan ang opisyal na sa bawat mamamayan na magtipid at magplano nang mabuti sa mga biyahe para maiwasan ang mataas na gastos.










