Naghain ng cyber libel complaint ngayong Lunes sa National Bureau of Investigation si Mamamayang Liberal Representative Leila de Lima kasama si Fr. Flaviano Villanueva laban kay Atty. Levito Baligod at sa 18 na umano’y dating Marines.

Dumating sina De Lima at Villanueva sa NBI Cybercrime Division Office bandang alas-9 ng umaga upang isumite ang reklamo. Kaugnay nito, sinabi ni De Lima na hindi ito ang unang beses na naging paksa siya ng alegasyon na naglalayong sirain ang kanyang reputasyon.

Kasama sina De Lima at Villanueva sa listahan ng mga personalidad na binanggit ni Baligod at ng umano’y dating Marines bilang tumanggap ng kickbacks mula sa mga anomalous flood control projects.

--Ads--

Bagama’t inamin ni Baligod ang isang “oversight” sa pagbibigay ng pangalan ni De Lima bilang isa sa mga nakatanggap ng maleta ng pera, iginiit pa rin niya na naisama ito sa listahan dahil diumano ay naroroon si De Lima sa mga pagpupulong kung saan ipinasa sa kanya ang isang “paper bag” na naglalaman ng cash.

Noong nakaraang linggo, naglabas ang NBI ng subpoena laban kay Baligod at sa 18 na umano’y dating Marines kaugnay ng alegasyon.