Matapos ang tatlong yugto ng konstruksyon, tuluyan nang nabuksan nitong Lunes ang Herrero Road sa Barangay Herrero-Perez sa lungsod ng Dagupan.

Nakikitang mahalagang hakbang ito upang mapabuti ang daloy ng trapiko sa lungsod at mapataas ang kalsada dahil sa posibleng pagkalubog sa baha.

Ayon kay Generoso T. Gomez ng Barangay Herrero-Perez, kanyang ibinahagi na natapos na ang buong proyekto na napondohan at tulong ng lokal na pamahalaan at mga pribadong sektor.

--Ads--

Aniya, na nauna nang natapos ang una at pangalawang yugto noong 2025 habang ang pangatlong yugto ay nasimulan noong Disyembre, at matagumpay na natapos noong huling linggo ng Pebrero hanggang unang linggo ng Marso, na naantala lamang ang pagbubukas dahil sa curing period nito na 28 days.

Pagbabahagi nito na mahalagang nagagamit na ang Herrero Road dahil ito ang nagsisilbing alternatibong ruta sa mga motorista lalo na kapag mabigat ang trapiko at nagdurugtong sa Perez Boulevard at sa mga pangunahing daan tulad ng A.B. Fernandez at Rizal Street.

Nakapagpapababa ito ng trapiko sa mga pangunahing kalsada at nakatutulong upang mapabilis ang biyahe, lalung-lalo na tuwing rush hour.

Ipinaliwanag pa niya na ang lugar na dating madaling maapektuhan ng baha at hindi madaanan ng malalaking sasakyan gaya ng tricycle at mga kotse ay maari nang madaanan.

Saad niya na tinatayang umaabot sa humigit-kumulang na P30 milyon ang kabuuang halaga ng proyekto na nahati sa tatlong bahagi.

Sa pagbubukas ng Herrero Road, inaasahang mas magiging mabilis ang takbo ng mga sasakyan at mas magiging maginhawa ang biyahe sa buong Dagupan at malaki rin umano ang magiging epekto nito sa pag-unlad ng mga barangay na nadadaanan, sa pagpapabilis ng serbisyo at kalakalan.

Inaasahan na ang proyekto ay magdudulot ng mas maayos na trapiko at mas maraming oportunidad sa mga residente, habang patuloy na sinusuportahan ng lokal na pamahalaan ang pagpapanatili ng maayos na kondisyon ng kalsada para sa kaligtasan at kapakanan ng lahat.