Dagupan City – Nangangamba ang mga magsasaka ng mais sa Pangasinan sa posibleng pagbaba ng presyo ng kanilang ani habang papalapit ang panahon ng anihan, kasabay ng patuloy na pagtaas ng gastos sa produksyon dulot ng mahal na langis.
Mahalaga umano ang maayos na patubig at sapat na pataba upang mapanatili ang magandang ani ng mais. Hindi naman gaanong problema ang peste dahil ang mga hybrid na binhi ay mayroon nang kasamang pest treatment.
Gayunman, nananatiling mataas ang gastos ng mga magsasaka dahil sa patuloy na pagmahal ng binhi at abono.
Sa kasalukuyan, nasa P18 hanggang P20 kada kilo ang farm gate price ng tuyong dilaw na mais, habang nasa P14 hanggang P16 kada kilo naman ang presyuhan ng basang mais.
Bagama’t katanggap-tanggap pa sa ngayon ang presyo, nababahala ang mga magsasaka na maaari itong bumaba kapag nagsimula na ang sabayang pag-aani sa mga susunod na linggo.
Isa sa mga dahilan nito ang pagdami ng nagtanim ng mais ngayong taon matapos bumaba ang presyo ng palay noong nakaraang taon. Dagdag pang hamon sa mga magsasaka ang pagtaas ng presyo ng krudo na nagpapamahal sa gastos sa transportasyon ng ani at paggamit ng mga makinaryang pangsakahan.










