Nagpahayag ng pangamba ang sektor ng pangisdaan sa Pangasinan sa posibleng epekto ng tumitinding tensyon sa Middle East sa presyo ng langis, na maaaring magdulot ng pagtaas sa gastos sa produksyon ng isda sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Christopher Aldo Sibayan Presidente ng Samahang Magbabangus sa Pangasinan (SaMaPa), sinabi nitong malaki ang magiging epekto ng anumang pagtaas sa presyo ng langis sa industriya ng aquaculture at pangingisda.

Ayon sa kanya, isa sa mga pangunahing maaapektuhan ay ang mga input sa produksyon ng isda tulad ng feeds, gasolina, diesel, at gastos sa transportasyon o logistics.

--Ads--

Saad niya kung tataas ang presyo ng mga ito, tiyak na maaapektuhan ang presyo ng isda pagdating sa merkado.

Ipinaliwanag ni Sibayan na malaking bahagi ng produksyon ng feeds para sa isda ay nakadepende rin sa fuel, kaya anumang pagtaas sa presyo ng langis ay may direktang epekto sa gastos ng mga fish farmer.

Dahil dito, posibleng maapektuhan hindi lamang ang presyo kundi maging ang produksyon at kalidad ng isda kung patuloy na tataas ang gastos sa mga pangunahing pangangailangan ng industriya.

Samanatala, sa nalalapit na Lenten season, karaniwang tumataas ang konsumo ng isda, sinabi ni Sibayan na nakadepende sa magiging hakbang ng pamahalaan kung mapipigilan ang pagtaas ng presyo ng mga produktong pangisdaan.

Aniya, maaaring magkaroon ng domino effect ang krisis sa Middle East dahil hindi lamang presyo ng langis ang maaapektuhan kundi maging ang kabuuang ekonomiya.

Binanggit din niya ang ilang panukala ng mga mambabatas na suspindihin o bawasan ang excise tax sa langis upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng fuel.

Para sa sektor ng agrikultura at aquaculture, iminungkahi nito na mahalagang tutukan ng pamahalaan at ng industriya ang maayos na pamamahala ng buffer stocks at inventories ng mga pangunahing raw materials tulad ng feeds at fuel.

Sa ngayon, ayon sa kanya, nananatiling katamtaman at abot-kaya ang presyo ng bangus sa merkado.

Gayunman, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng maingat na pagmomonitor sa importasyon ng isda, na isa ring malaking kompetisyon ng lokal na produksyon.

Sa huli, nanawagan si Sibayan sa publiko at sa iba’t ibang sektor na patuloy na suportahan ang mga lokal na mangingisda at fish farmer, lalo na matapos ang mga pinsalang dulot ng mga nagdaang bagyo sa kanilang hanapbuhay.