DAGUPAN CITY- Sapat ang mga naipakitang ebidensya sa kakatapos na apat na araw na confirmation of charges hearing ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) upang matuloy sa paglilitis.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Raymond De Vera Palatino, Secretary General, Bagong Alyansang Makabayan, malinaw na may batayan para masampahan ng kaso ang dating pangulo kung pagbabatayan ang presentasyon ng prosecution.
Aniya, nakita rito ang sistematiko at organisadong pagpaslang sa War on Drugs ng Administrasyong Duterte.
Giit niya, binago ang hustisya at pagprotekta sa publiko upang gawin “killing machine” ang burokrasya.
Inaasahan na nila ang magiging ‘palusot’ ng depensa subalit, hindi na maitatanggi ang paulit-ulit na naratibo ni FPRRD sa tila maliit na bagay lamang para sakaniya ang nangyaring mga pagpaslang na kaniyang ipinag-utos.
Hindi rin maaaring sabihing nagbibiro lamang ang dating pangulo sa mga naratibo nito dahil hindi ito nababagay sa commander-in-chief na nagbibigay ng direktang kautusan sa kapulisan, gayundin, sa pangakong mga pabuya at proteksyon.
Samantala, matagal man ang dalawang buwan na paghihintay sa desisyon ng hukom, hindi ito mahabang panahon para sa mga pamilya na dekada nang naghahangad ng hustisya para sa kanilang kaanak na nabiktima ng hindi makatarungang pagpaslang.
Mahalaga aniya na gumugulong ang hustisya at paalala ito sa taumbayan na papanagutin si FPRRD sa mga pagkakasala nito.
Panawagan din ni Palatino na panagutin ang mga tinaguriang co-perpetrator ng dating pangulo sa War on Drugs.









