Nagpahayag ng matinding pag-aalala ang National Parent-Teachers Association (NPTA) kaugnay sa planong pagpapatupad ng trimester system ng Department of Education (DepEd) para sa School Year 2026–2027, kasabay ng panawagan na tiyakin muna ang malinaw na plano, sapat na learning materials, at konsultasyon sa mga stakeholder bago ito ipatupad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, kay Lito Senieto, Vice President ng NPTA, na hindi naman tutol ang hanay ng mga magulang at guro sa mga repormang layong mapabuti ang kalidad ng edukasyon, ngunit aniya, dapat maging maingat ang DepEd sa muling pagbabago ng academic calendar at kurikulum.

Ayon kay Senieto, isa sa matagal nang suliranin sa sistema ng edukasyon ay ang umano’y kawalan ng consistency sa mga programang ipinatutupad sa tuwing nagpapalit ng kalihim ng ahensya.

--Ads--

Binanggit niya ang serye ng mga pagbabagong ipinatupad sa mga nakaraang taon mula sa modular at alternative learning system noong kasagsagan ng pandemya, hanggang sa rebisyon ng kurikulum sa ilalim ng “MATATAG Curriculum,” at ngayon ay ang mungkahing trimester system.

Binigyang-diin din ng opisyal ang kakulangan ng learning materials sa tuwing may bagong ipinatutupad na kurikulum.

Aniya, may mga pagkakataong walang sapat na teacher’s guide at textbooks ang mga paaralan, dahilan upang mapilitan ang ilang guro na maghanap ng mga materyales online para lamang maipagpatuloy ang kanilang pagtuturo.

Kaugnay naman ng planong trimester, sinabi ni Senieto na wala pa umanong malinaw na detalye kung paano ito ipatutupad kabilang ang bilang ng oras kada asignatura, sistema ng pagsusulit, at kung paano iaangkop ang kasalukuyang kurikulum sa bagong setup.

Sa kasalukuyan, apat na quarters ang academic year, at hahatiin ito sa tatlong termino sa ilalim ng trimester system.

Inilahad din niyaang pangamba sa patuloy umanong pagbaba ng learning competencies ng ilang mag-aaral.

Saad nito, may mga estudyante sa mataas na baitang na hindi pa rin bihasa sa pagbasa at pagkwenta. I

nihalintulad niya ito sa dating sistema kung saan may mga estudyanteng inuulit ang baitang kung hindi pumapasa. Subalit sa kasalukuyan aniya, bihira na ang repeater dahil mas pinaiiral ang promotion system.

Bagamat kinikilala niyang may papel din ang ilang magulang sa pagnanais na maipasa agad ang kanilang mga anak, iginiit ni Senieto na mas mahalagang tiyakin ang tunay na pagkatuto kaysa sa mataas na marka lamang.