DAGUPAN CITY — Ibinahagi ni Arlene James Pagaduan, pangulo ng Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers (ASSERT), ang panig ng kanilang hanay kaugnay sa planong pagpapatupad ng trimester system sa bansa.
Ayon kay Pagaduan, ang panukala ay nakadepende pa sa magiging pinal na kautusan para sa nationwide implementation, lalo’t marami ang nagpahayag ng pagtutol. Maaari rin aniyang dumaan muna ito sa pilot testing o phase-by-phase implementation bago tuluyang ipatupad sa buong bansa.
Binigyang-diin niya na anumang pagbabago sa sistema ay dapat may malinaw na guidelines, sapat na konsultasyon, at proteksiyon sa workload ng mga guro alinsunod sa Magna Carta for Public School Teachers. Aniya, dapat tiyakin na hindi ito magiging dagdag-pabigat lamang sa mga guro.
Kaugnay ng learning crisis na binanggit ng EDCOM 2, partikular sa mababang performance sa reading, math at science, sinabi ni Pagaduan na totoo ang isyu ng teacher overload. Marami pa ring administrative tasks at non-academic activities na nakaaapekto sa aktuwal na oras ng pagtuturo, gayundin ang siksik na learning competencies na kailangang tapusin sa loob ng school year.
Para sa ASSERT, hindi sila agad tumututol sa anumang reporma kung ito ay makabubuti sa mga guro at mag-aaral. Gayunman, iginiit ni Pagaduan na kung mananatili ang dami ng competencies, reports, contests at iba pang gawain, maaaring magdulot lamang ng panibagong adjustment at kalituhan ang trimester system.
“Calendar reform ba ang problema o system overload?” aniya.
Dagdag pa niya, maraming aktibidad na nakakaapekto sa oras ng pagtuturo. Mahalaga aniyang marinig ang boses ng mga guro dahil sila ang nasa field at direktang nakararanas ng epekto ng mga pagbabago.
Iminungkahi ni Pagaduan ang pagtutok sa essential learning competencies at pagpapalakas ng foundational literacy at numeracy. Nanawagan din siya ng nationwide workload study at mental health audit bago baguhin ang academic calendar. Kung ipatutupad man ang trimester system, dapat itong may kasamang tunay na pagbabawas ng workload, dagdag na support personnel, malinaw na transitional plan at sapat na budget.
Sa huli, iginiit ng ASSERT na hindi sila laban sa reporma, ngunit dapat itong maging consultative, teacher-centered at student-centered. Kung hindi, aniya, baka hindi ito maging solusyon sa learning crisis kundi panibagong eksperimento na magpapabigat lamang sa mga guro.










