DAGUPAN CITY- Tuloy-tuloy ang isinasagawang satellite registration ng Commission on Elections o COMELEC Dagupan bilang paghahanda sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa buwan ng Nobyembre.
Ayon kay Atty Michael Franks Sarmiento, Election Officer ng COMELEC Dagupan, karaniwang isinasagawa ang mga satellite registration tuwing Huwebes at Biyernes, alinsunod sa itinakdang iskedyul ng tanggapan upang mas maraming kwalipikadong botante ang makapagparehistro.
Sa kasalukuyan, tinututukan muna ng COMELEC ang mga pribadong paaralan sa lungsod matapos na mauna nang mapuntahan ang mga pampublikong paaralan noong unang ipatupad ang 10 days registration noong Agosto 1 hanggang 10 ng nakaraang taon.
Layunin nitong maabot ang mas maraming kabataang botante at first-time voters.
Posible ring balikan ng COMELEC ang ilang pampublikong paaralan na dati nang nabisita, lalo na ngayong opisyal nang itinakda ang halalan sa Nobyembre.
Isa ito sa mga hakbang upang matiyak na walang maiiwang botanteng kwalipikado ngunit hindi nakapagparehistro.
Samantala, kinailangan ding magsagawa ng mga adjustment ang COMELEC kaugnay sa edad ng mga botanteng maaaring magparehistro, bunsod ng mga patakarang ipinatutupad para sa darating na eleksyon.
Patuloy namang hinihikayat ng COMELEC Dagupan ang publiko na makiisa at samantalahin ang mga satellite registration upang matiyak ang kanilang karapatang bumoto.










