Dagupan City – Ipinatupad ng lokal na pamahalaan ng Bayambang ang serye ng aktibidad para sa pagdiriwang ng Oral Health Month 2026, na layong palakasin ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng wastong pangangalaga sa ngipin at bibig, lalo na sa mga bata, buntis, at pamilyang kabilang sa mga sektor na nangangailangan ng serbisyong pangkalusugan.

Isinagawa noong Pebrero 2 ang ikalawang toothbrushing marathon, kung saan lumahok ang mga mag-aaral at residente bilang bahagi ng kampanya para itaguyod ang tamang pagsisipilyo at pang-araw-araw na oral hygiene.

Sinimulan naman noong Pebrero 4 ang tatlong araw na aktibidad na kinabibilangan ng motorcade, Smile Exhibit, at Mass Fluoride Application, na nagtapos noong Pebrero 6.

--Ads--

Layunin ng mga gawaing ito na ilapit sa komunidad ang mga serbisyong dental at sabay na hikayatin ang mga residente na pahalagahan ang regular na dental check-up.

Nakatakda rin sa Pebrero 10 ang Project Buntis Health Seminar, na tututok sa oral health ng mga nagdadalang-tao at sa ugnayan nito sa pangkalahatang kalusugan ng ina at sanggol.

Susundan ito ng Project Molar sa Pebrero 12, kung saan magsasagawa ng Dental Sealant Application para sa mga batang mag-aaral bilang proteksiyon laban sa pagkabulok ng ngipin.

Bilang pagtatapos ng pagdiriwang, ihahandog sa Pebrero 25 ang Orally-Fit Child 2026 Awarding , na kikilala sa mga batang huwaran sa wastong pangangalaga ng ngipin at aktibong pakikilahok sa mga programang pangkalusugan ng munisipyo.

Patuloy namang hinihikayat ng pamahalaang bayan ang mga residente na makilahok sa mga natitirang aktibidad bilang bahagi ng sama-samang pagsulong ng malusog na komunidad sa Bayambang.