DAGUPAN CITY- Dismayado ang Makabayan Bloc matapos ibasura ng Kamara ang kanilang inihain na impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Liza Maza, Presidente ng Makabayan Bloc, aniya, kabilang sa kanilang inirereklamo bilang ‘impeachable acts’ ng pangulo ay ang betrayal of public trust, pag institusyonalisa ng kurapsyon sa pamamagitan ng national budget, at ang pag-abuso sa unprogrammed appropriations.
Giit niya na “premature murder” umano, kung kaniyang tawagin, ang maagang pagbasura sa impeachment complaint.
Marahil sa ang hinahanap umano ng Committee on Justice ay ang mas higit pa sa ‘recital of facts’ o ang pagpapakita lamang na may maaaring maikaso laban sa pangulo.
Ani Maza na sa susunod pa na hakbang ang paglalabas ng mga ebidensyang magpapatunay sa mga alegasyong paglabag ni Marcos.
Milagro na lamang aniya kung papaburan pa ng mababang kapulungan ang impeachment ng pangulo kung karamihan sa mga miyembro nito ay kaalyado ng kasalukuyang administrasyon.










