Iginiit ng isang geopolitical observer na dapat isantabi ang pulitika at manaig ang pagkakaisa sa Senado, lalo na sa mga usaping may kinalaman sa soberanya at teritoryo ng bansa na malinaw umanong itinatakda ng batas at ng Konstitusyon.
Ayon kay Denmark Suede, isang geopolitical observer, mahalagang magkaisa ang lahat ng sangay ng pamahalaan sa pagtatanggol sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Aniya, kasabay nito ang paninindigang dapat igalang ang mga umiiral na batas at mga internasyonal na kasunduan.
Binigyang-diin niya na hindi ito usaping pang-partido kundi isang pambansang isyu na nangangailangan ng iisang tindig.
Ginawa ni Suede ang pahayag sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay ng mga inaangking teritoryo sa West Philippine Sea.
Samantala, binatikos niya ang pahayag at posisyon ni Senador Rodante Marcoleta hinggil sa isyu, na ayon sa kanya ay tila nagpapahina sa malinaw na paninindigan ng bansa laban sa mga aksyon ng China.
Una nang sinabi ni Marcoleta na may nag-aangkin ng atin pero ‘di natin ma-define kung ano ang atin.
Kasunod nito ay kinuyog” ng ilang miyembro ng majority bloc si Marcoleta matapos nitong kuwestiyunin ang tamang sukat at lawak ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ayon naman kay Suede, malinaw na nakasaad sa Republic Act 9522 o baselines law ang saklaw ng teritoryo ng Pilipinas, ngunit tila hindi umano ito batid ni Marcoleta.










