Bago pa man dumating ang Araw ng mga Puso, makikita na sa mga kalye at pamilihan ng Thailand ang mga nagbebenta ng mga bouquet ng bulaklak, puso, at iba’t ibang regalo.
Kadalasan, makikita ang mga magkasintahan na magkahawak-hawak ng teddy bears, bulaklak, at tsokolate, na nagpapakita ng kanilang pagmamahalan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rinse Galupo Bombo International News Correspondent sa nasabing bansa sa kaniyang obserbasyon, ang konsepto ng pag-ibig ay universal kahit sino ay nakakaramdam nito, anuman ang relihiyon o kultura.
Nakakatuwang isipin aniya na bilang mga Kristiyano, naimpluwensiyahan ng Valentine’s Day ang ilan sa mga Buddhist sa Thailand.
Gayunpaman, sa pagsusuot ng pulang damit bilang simbolo ng pagdiriwang, hindi gaanong binibigyang pansin ito ng karamihan.
Sa Thailand, itinuturing na tanda ng relasyon ang simpleng pagsasama ng magkasintahan, kahit hindi pa sila opisyal na nakaka-kompromiso sa isa’t isa.
Ito ay kaiba sa nakagawian sa Pilipinas, ngunit sa pangkalahatan, ang paraan ng pagtrato ng lalaki sa babae ay maihahambing sa nakasanayan sa Pilipinas.
Ang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso sa Thailand ay patunay na ang pag-ibig ay hindi lamang relihiyon o kultura ang nagtatakda, kundi isang damdaming tunay na nararamdaman ng bawat isa.










