Dagupan City – ‎Nasa animnaraang residente ng Barangay Banaoang sa Mangaldan, Pangasinan ang nabigyan ng libreng serbisyong pangkalusugan sa isinagawang malakihang medical at dental mission nitong Sabado, Enero 31, sa covered court ng barangay.

Pinangunahan ang aktibidad ng Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan sa pamamagitan ng Municipal Health Office, sa pakikipagtulungan ng isang faith-based organization, bilang bahagi ng programa na layong mailapit sa mga komunidad ang pangunahing serbisyong medikal, lalo na para sa mga nangangailangan.

Kabilang sa mga serbisyong inialok ang general medical consultation para sa matatanda at pediatric check-up para sa mga bata, pati na ang blood pressure at blood sugar monitoring.

Nagkaroon din ng libreng dental services at eye examination, gayundin ang pamamahagi ng libreng gamot sa mga benepisyaryo.

Bukod sa pisikal na pangangalaga, nagbigay rin ang mga volunteer ng partner organization ng psychosocial at emotional support sa mga pasyente habang isinasagawa ang triage.

Ayon sa lokal na pamahalaan, mahalaga ang koordinasyon ng iba’t ibang sektor upang patuloy na mapalawak ang access ng mga mamamayan sa serbisyong pangkalusugan sa antas-barangay.

--Ads--