Umabot na sa 39 ang bilang ng mga nasawi sa trahedyang paglubog ng MV Trisha Kerstin 3 malapit sa baybayin ng Basilan, ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG).

Ayon sa PCG, tatlo pang bangkay ang narekober ng mga awtoridad nitong Linggo, Pebrero 1, habang nagpapatuloy ang search and rescue operations sa lugar ng insidente.

Isinasagawa ang masinsinang paghahanap sa kabila ng mga hamon sa kondisyon ng dagat upang matiyak na walang maiiwang biktima.

--Ads--

Dagdag pa ng Coast Guard, ang mga labi ng mga nasawing biktima ay dadalhin sa Zamboanga City upang sumailalim sa identification process.

Inaasahang makikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa mga posibleng kaanak ng mga biktima para sa pormal na pagkilala at maayos na paglilipat ng mga labi.

Patuloy naman ang pakikipagtulungan ng PCG sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at lokal na awtoridad upang matukoy ang sanhi ng paglubog ng barko at matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero sa mga karatig-dagat.

Nagpaabot din ng pakikiramay ang Coast Guard sa mga pamilya ng mga nasawi at tiniyak na gagawin ang lahat upang mabigyan ng hustisya ang insidente.

Nanawagan ang mga awtoridad sa publiko na iwasan muna ang paglalayag sa lugar habang isinasagawa ang operasyon at imbestigasyon kaugnay ng trahedya.