Dagupan City – Nasamsam ng Calasiao Police Station ang halos 100 gramo ng ilegal na droga at nakapagsagawa ng apat na buy-bust operation mula Enero taong kasalukuyan bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot sa bayan ng Calasiao.
Ayon kay PLt. Col. Quintin Casabar Jr., Officer in Charge ng Calasiao PNP, tuloy-tuloy ang isinasagawang operasyon ng kapulisan at hindi sila titigil hangga’t hindi napipigil ang kalakalan ng droga sa bayan.
Binigyang-diin niya na sisikapin ng pulisya na matunton, hulihin, at papanagutin ang mga indibidwal na sangkot sa bentahan at pamamahagi ng ilegal na droga.
Dagdag pa ng Calasiao PNP, layunin ng mga operasyong ito na maprotektahan ang komunidad laban sa masamang epekto ng droga, lalo na sa kabataan at mga pamilyang naaapektuhan ng ilegal na gawain.
Patuloy rin ang koordinasyon ng pulisya sa iba’t ibang sektor ng lipunan upang mas maging epektibo ang pagpapatupad ng batas.
Nanawagan din ang kapulisan sa mga gumagamit ng ilegal na droga na ihinto na ang kanilang bisyo at samantalahin ang mga programang rehabilitasyon ng pamahalaan.
Kasabay nito, mariin ding pinayuhan ang mga sangkot sa bentahan ng droga na itigil ang kanilang iligal na gawain dahil mas paiigtingin pa ang mga operasyon laban sa kanila.
Layunin ng Calasiao PNP na tuluyang mahinto ang kalakalan ng droga sa bayan at matiyak ang kaligtasan, kaayusan, at kapayapaan ng buong komunidad.










