Naitala ng Dagupan City Police Office (DCPO) ang pinakamalaking huli ng shabu para sa kabuuang buwan ng Enero matapos makumpiska ang P141,000 pesos nq halaga nito sa isang operasyon sa Barangay Bonuan Gueset noong Enero 28.
Ang operasyon ay nagresulta sa pagkakadakip ng dalawang indibidwal na mag-live-in partner.
Ayon kay PCol. Arnold P. Solomon, City Director ng DCPO, matagumpay na naisagawa ang operasyon sa pamamagitan ng pinagsanib na pwersa ng City Police Drug Enforcement Unit, City Intelligence Unit, at Station 6.
Dagdag pa ni PCol. Solomon, ang operasyon ay bunga ng masusing intelligence gathering at impormasyon mula sa mga concerned citizens.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang limang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 20.8 gramo, drug paraphernalia, at buy-bust money. Ang mga nakumpiskang ebidensya ay isasailalim sa forensic examination.
Hindi muna isinapubliko ang pangalan ng mga suspek upang hindi makasagabal sa patuloy na imbestigasyon. Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Tiniyak ni PCol. Solomon na tuloy-tuloy ang kanilang kampanya upang tuluyang maging drug-cleared ang Dagupan City, sa pamamagitan ng mga operasyon at pagbibigay ng impormasyon sa mga barangay tungkol sa masamang epekto ng droga.










