Dagupan City – Nananatiling mababa ang kaso ng Dengue sa Barangay Zone 1 sa Rosales

Batay sa ulat mula sa Barangay Health Unit, malaking tulong ang patuloy na koordinasyon ng mga BHW at ng lokal na pamahalaan upang mapanatiling kontrolado ang sitwasyon.

Isinasagawa ang lingguhang monitoring sa buong barangay, kabilang ang regular na pagbisita sa mga kabahayan at masusing screening lalo na sa mga lugar na may naitalang presensya ng kiti-kiti o mosquito larvae.

--Ads--

Ayon kay Marites Macaranas, BHW Brgy. Zone 1, Rosles, Pangasinan, isa sa kanilang hakbang ang pag-iikot ng mga health workers upang tiyaking nasusunod ang mga pamamaraan sa pag-iwas sa dengue. Bahagi rin ng programa ang misting at iba pang mosquito control activities, kasabay ng pamamahagi ng mga kinakailangang gamit at request para sa mas epektibong pagpatay sa mga lamok.

Mas pinatindi rin ang pagbabantay sa mga bata, partikular yaong may edad pito pababa, dahil sila ang mas madalas maglaro sa labas at mas madaling ma-expose sa kagat ng lamok.

Dahil dito, agad na isinasailalim sa check-up ang mga bata upang masuri ang kanilang kalagayan at maagapan ang posibleng sintomas ng dengue.

Katuwang sa mga pagsusuri ang Rural Health Office, infirmary, at iba pang health facilities.

Isinasagawa ang regular na check-up tuwing hapon bandang alas-kuwatro bilang bahagi ng preventive measures laban sa pagdami ng kiti-kiti, na itinuturing na pangunahing pinagmumulan ng dengue.

Ayon sa barangay health workers, bumaba rin ang kaso kumpara noong nakaraang taon, na iniuugnay sa mas kaunting pag-ulan at mas pinaigting na mga hakbang pangkalusugan.