Opisyal nang binuo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang isang composite team na siyang mangunguna sa malalimang imbestigasyon hinggil sa nangyaring pagguho ng Binaliw Sanitary Landfill sa lungsod na ito.

Itinalaga ni DENR Secretary Raphael Lotilla si Assistant Secretary Norlito Eneran bilang pinuno ng grupo upang matiyak ang isang comprehensive at patas na pagsusuri sa insidente.

Binubuo ang nasabing teamng mga eksperto mula sa academe, larangan ng engineering, at iba’t ibang kawanihan ng DENR.

--Ads--

Kasama rin sa mga tututok sa kaso ang mga kinatawan mula sa civil society at non-governmental organizations (NGOs).

Pangunahing layunin ng grupo ang magsagawa ng engineering and environmental appraisal upang mabatid ang tunay na sanhi ng pagguho at ang lawak ng pinsala nito sa kapaligiran.

Susuriin din kung sumunod ang pamunuan ng landfill sa mga kondisyong nakasaad sa kanilang Environmental Compliance Certificate (ECC) at iba pang safety standards ng pamahalaan.

Bahagi rin ng mandato ng composite team ang pagbuo ng rehabilitation plan at ang pagtukoy sa mga alternative disposal sites upang maiwasan ang overcrowding sa pasilidad.

Inaasahan ding maglalabas ang grupo ng isang pangmatagalang solid waste management strategy para sa buong bansa.

Nagbabala naman si Secretary Lotilla na hindi palalagpasin ng kagawaran ang sinumang mapapatunayang nagpabaya sa naturang insidente.

Sa kasalukuyan, nananatiling prayoridad ng DENR ang kaligtasan ng mga residente sa paligid ng Binaliw Landfill habang hinihintay ang pinal na resulta ng imbestigasyon ng binuong lupon.