Ibinasura ng Supreme Court En Banc ang mosyon para sa reconsideration na inihain ng House of Representatives kaugnay ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera – Constitutional Law Expert, bihirang-bihira nang baguhin ng Supreme Court En Banc ang sarili nitong desisyon maliban na lamang kung may malinaw at compelling reason.
Sa kasong ito, iginiit niyang halos lahat ng isyung inilahad sa mosyon ay niresolba ng Korte Suprema pabor sa petitioner na si Vice President Duterte, dahilan upang manatiling walang pagbabago ang kanilang ultimate resolve na ibasura ang impeachment complaint.
Bagama’t may ilang pagbabagong naganap sa pagresolba ng mosyon para sa reconsideration, nilinaw ni Cera na hindi nito binago ang pangunahing desisyon ng korte.
Isa sa mga mahahalagang paglilinaw ng Korte Suprema ay ang pag-aalis sa requirement na dumaan pa sa House of Representatives ang proseso kapag nasa Senado na ang respondent at sumasagot na sa impeachment complaint.
Dagdag pa ni Cera, malabong may maghain pa ng ikalawang mosyon para sa reconsideration, bagama’t pinayagan ng Korte Suprema ang paghahain nito.
Lumabas rin sa desisyon na hindi tiyak kung Pebrero 6, 2026 lamang muling maaaring maghain ng panibagong impeachment complaint, bagay na nagdulot ng kalituhan sa interpretasyon ng mga itinakdang panahon.
Inilarawan ni Cera ang naging aksyon ng Korte Suprema bilang tila isang anyo ng judicial legislation, lalo na sa mga puntong binigyang-diin ni Associate Justice Marvic Leonen.
Layunin umano ng mga paliwanag ng Korte na linawin ang impeachment proceedings upang matiyak ang pagsunod sa one-year ban rule sa paghahain ng impeachment complaint.
Binanggit din niya na ang tatlong naunang reklamong inihain ay hindi umano naaktuhan, at nang mga ito ay na-dismiss, wala nang naging remedyo ang mga nagrereklamo.
Isa pang isyu ang naging interpretasyon ng House of Representatives sa tinatawag na “session days.”
Ayon kay Cera, inakala ng Kamara na ang tinutukoy ay sampung session days at hindi calendar days, na muling magreresulta sa paghihintay ng panibagong isang taon bago makapaghain ng bagong reklamo.
Sa kabuuan, iginiit ni Cera na kung susuriin ang mga gabay at paliwanag ng Korte Suprema sa desisyon nito, malinaw na magiging mahirap para sa sinumang partido na muling maghain ng impeachment complaint laban sa bise presidente sa ilalim ng kasalukuyang mga kondisyon.










