Dagupan City – Patuloy na pinaigting ng City Health Office ng Dagupan ang disease surveillance sa lungsod bilang paghahanda laban sa posibleng pagpasok ng Nipah virus at iba pang nakahahawang sakit.

Ayon kay Dr. Maria Julita P. De Venecia, City Health Officer II, nananatiling alerto ang lokal na pamahalaan dahil hindi matitiyak kung sino ang maaaring pumasok sa lungsod at magdala ng naturang virus.

Sa ilalim ng City Epidemiology Unit, tuloy-tuloy ang pagbabantay hindi lamang sa Nipah virus kundi maging sa mga reportable diseases tulad ng dengue, gastroenteritis, tigdas, at hand, foot, and mouth disease.

--Ads--

Kapag may naitalang kaso, agad na kumikilos ang City Surveillance Office Unit upang magsagawa ng case investigation at matukoy ang lawak at posibleng pinagmulan ng sakit.

Ipinaliwanag na ang Nipah virus ay may mga paunang sintomas na kahalintulad ng trangkaso gaya ng lagnat, pananakit ng ulo, at ubo.

Gayunpaman, mas mapanganib ito dahil maaari nitong maapektuhan ang utak at magdulot ng encephalitis, isang malubhang kondisyon na maaaring ikamatay ng pasyente. Sa kasalukuyan, wala pang tiyak na lunas o bakuna laban sa naturang virus, kaya’t ang pag-iwas at pag-iingat ang pangunahing sandata ng publiko.

Bilang bahagi ng preventive measures, hinihikayat ang mahigpit na pagsunod sa wastong kalinisan at mga health precaution na katulad ng ipinatupad noong panahon ng COVID-19 pandemic.

Bagamat hindi maaaring pigilan ang pagpasok at paglabas ng mga tao sa lungsod, mahalaga pa rin ang maagang pagpapasuri sa sandaling makaranas ng sintomas upang maiwasan ang pagkalat ng sakit sa komunidad.