Dagupan City – Nanguna ang lalawigan ng Pangasinan sa pinakamaraming naitalang operasyon at nakumpiskang ilegal na baril sa buong Rehiyon 1 matapos ang isang taong kampanya ng Police Regional Office (PRO) 1 laban sa loose firearms noong 2025.
Batay sa ulat ng PRO 1, umabot sa 2,766 baril ang kabuuang nasamsam sa rehiyon mula Enero 1 hanggang Disyembre 31, 2025.
Sa bilang na ito, malaking porsiyento ang nagmula sa mga operasyon sa Pangasinan, na may pinakamaraming naitalang pagkakaaresto at boluntaryong pagsuko ng mga armas.
Isinagawa ang kabuuang 386 operasyon sa iba’t ibang lalawigan ng Rehiyon 1 na nagresulta sa pagkakaaresto ng 407 indibidwal dahil sa paglabag sa mga umiiral na batas ukol sa baril.
Sa mga nakumpiska, 1,546 baril ang itinuturing na loose firearms na tuluyang nasamsam ng pulisya, habang 1,220 baril naman ang boluntaryong isinuko ng kanilang mga may-ari para sa ligtas na pag-iingat.
Ayon sa PRO 1, ang mataas na bilang ng nasamsam na baril sa Pangasinan ay resulta ng pinaigting na police operations, intelligence-driven activities, at pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan at komunidad.
Bahagi umano ito ng mas malawak na kampanya ng kapulisan upang maiwasan ang mga karahasang may kinalaman sa baril at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.
Patuloy namang hinihikayat ng PRO 1 ang publiko, lalo na sa Pangasinan, na makipagtulungan sa kampanya laban sa ilegal na armas sa pamamagitan ng boluntaryong pagsuko ng loose firearms at agarang pakikipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya.










