DAGUPAN CITY- Unang lalawigan ang Pangasinan na napili ng Armed Forces of the Philippines para sa pagtatayo ng Mobilization Center.
Ito ang pasilidad na layong palakasin ang kahandaan ng bansa sa usapin ng depensa at pagtugon sa mga sakuna.
Ayon sa pamunuan ng AFP, sa pangunguna ni MGEN Ronald Alcudia, napili ang Pangasinan dahil sa lawak ng populasyon at heograpikal na sakop nito, gayundin ang estratehikong lokasyon ng lalawigan lalo na sa gitna ng umiiral na tensyon sa West Philippine Sea.
Dagdag niya, ang pagtatayo ng Mobilization Center ay bahagi ng implementasyon ng Republic Act 7077, partikular sa Section 36, na nag-uutos na magkaroon ng military training facilities sa bawat probinsya sa bansa.
Target ng AFP na makapagtayo ng tig-iisang Mobilization Center sa lahat ng lalawigan.
Sa naturang pasilidad isasagawa ang pagsasanay ng mga reservist at ROTC cadets bilang paghahanda sa posibleng banta sa seguridad.
Kasama rin sa plano ang pagtatayo ng firing range upang mapahusay ang kakayahan ng mga magsasanay, kung saan kakailanganin ang pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan.
Kaugnay nito, personal na binisita ni MGEN Alcudia ang Mobilization Center sa Pangasinan upang inspeksyunin ang kalagayan ng pasilidad at tukuyin ang mga kakailanganing pagbutihin bago ito ganap na magamit.
Sa isinagawang inspeksyon, natukoy ang ilang kakulangan sa pasilidad, lalo na sa usapin ng kakayahan nitong tugunan ang aktuwal na operasyon kapag ganap nang ginagamit.
Gayunman, iginiit ng AFP na ang Mobilization Center ay idinisenyo para sa joint use.
Bukod sa military training, maaari rin itong magsilbing evacuation center at operations hub ng pamahalaang panlalawigan sa panahon ng kalamidad at iba pang emergency.
Sa ngayon, patuloy pa ang pag-aaral at pagsasaayos sa ilang bahagi ng pasilidad bago ito tuluyang maging ganap na operational.










