DAGUPAN CITY- Malaki ang naging pagbabago sa suplay ng tubig sa Barangay Zone 1, Rosales matapos ang pagpasok ng LGU Rosales Water District, ayon sa panayam kay Punong Barangay Alfredo Dela Cruz Jr. na nagbahagi ng kalagayan ng kanilang komunidad noon at ngayon pagdating sa serbisyo ng tubig.

Bago ang kasalukuyang sistema, matagal nang suliranin ng barangay ang maruming tubig at mahinang suplay mula sa dating water providers.

Madalas umanong nauubusan ng tubig ang mga residente at mabagal ang proseso ng distribusyon.

--Ads--

Bukod dito, may mga pagkakataong hindi ligtas gamitin ang tubig dahil sa kulay at kalidad nito, dahilan upang mangamba ang mga residente kahit sa simpleng pagligo.

Sa kasalukuyan, maayos na ang daloy ng tubig sa barangay at wala nang natatanggap na reklamo mula sa mga residente.

Malaking ginhawa ito lalo na sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga kabahayan.

Gayunpaman, patuloy pa ring isinusulong ng pamunuan ng barangay ang mas pinalawak at pangmatagalang solusyon sa pamamagitan ng ganap na pagtatatag at pagpapatibay ng operasyon ng Water District sa lugar.

Ayon sa barangay, hindi lamang Zone 1 ang dati nang nakararanas ng ganitong problema kundi maging ang ilang karatig-barangay, kung saan iniulat din ang maruming suplay ng tubig.

Dahil sa isyung ito, maraming residente ang napilitang gumamit ng mineral water para sa pag-inom.

Sa kabila nito, patuloy pa ring ginagamit ng ilan ang tubig para sa pagluluto at iba pang gawaing-bahay kapag malinaw at katanggap-tanggap ang kalidad.

Binibigyang-diin ng pamahalaang barangay ang kahalagahan ng tamang maintenance at maayos na pamamahala ng water system upang maiwasan ang pag-uulit ng dating problema.

Patuloy namang naniniwala ang pamunuan ng barangay na mas mainam kung ang ganitong uri ng serbisyo ay pinangangasiwaan ng mga lokal na pamahalaan o maayos na water districts upang matiyak ang malinis, sapat, at ligtas na suplay ng tubig para sa lahat ng residente.