Ibinasura ng Makati City Prosecutor’s Office ang reklamong paglabag sa Article 310 ng Revised Penal Code o qualified theft na inihain ng beauty queen-actress na si Michelle Dee, 30, laban sa driver ng aktres at kaibigan niyang si Rhian Ramos, 35.

Isinumite ni Michelle ang kanyang reklamo laban kay Bonifacio Tibayan Baro, 40, sa Makati City Prosecutor’s Office.

Pero makalipas lamang ng tatlong araw ay ibinasura ito ng prosekusyon.

--Ads--

Nag-ugat ang reklamo ni Michelle laban kay Baro matapos umanong matuklasan ng Miss Universe Philippines 2023 ang ginawa ng driver sa condominium unit na tinitirhan nila ni Rhian sa Makati City.

Nakasaad sa reklamo ni Michelle na nakipag-ugnayan daw sa kanya ang misis ni Baro, at nagsumbong na nakita niya sa pag-iingat ng kanyang mister ang ilang “sensitive images” na may kaugnayan sa actress-beauty queen.

Kinumpronta umano ni Michelle si Baro at umamin daw ang driver na kinuha nito ang mga sensitibong imahe mula sa kuwarto ng beauty queen-actress pero ibinalik din daw ang mga kopya ng “sensitive images.”

Pero napansin umano ni Michelle na kulang ang ibinigay sa kanyang mga larawan kaya humingi siya ng tulong sa kanyang bodyguard na humantong ito sa pag-aresto at pagkakakulong niya sa Makati City Jail.

Nakalabas lamang siya nang ma-dismiss ang reklamo ni Michelle laban sa kanya.

Matapos ibasura ng City Prosecutor’s Office ng Makati ang reklamo ni Michelle, nagsumite naman si Baro ng mga reklamong torture at serious illegal detention sa National Bureau of Investigation (NBI) laban kina Michelle at Rhian.

Ito ay dahil sa pambubugbog at pagkukulong umano sa kanya sa condo unit ni Rhian na nasa ika-39 na palapag noong January 17. via PEP