Mga kabombo! Isa ka ba sa mga taong mahilig pumarty?
Paano na lang kaya kapag pagsapit mo ng 40? Isa ka rin ba sa mga nais pang magparty?
Kung oo, aba! Tila nakakadis-appoint siguro nitong balitang ito para sayo.
Paano ba naman kasi, isang izakaya-style bar sa sikat na Shibuya district sa Tokyo ang naging usap-usapan matapos itong maglagay ng sign sa entrance na nagsasabing sila ay isang “U-40 (Under 40) specialty bar” at nakalaan lamang para sa “younger generation.”
Ayon sa ulat, lumalabas umano na ang hakbang na ito ay nagdulot ng debate kung ito ba ay diskriminasyon sa edad o simpleng business strategy lamang.
Paliwanag naman ng pamunuan, ginawa nila ito upang maiwasan ang banggaan at awayan ng magkaibang henerasyon.
Napansin kasi anilang madalas magreklamo sa ingay ang mga older customers, kaya nais nilang lumikha ng espasyo kung saan malayang makakapag-ingay at makakapagsaya ang mga mas nakababatang henerasyon (edad 20-39) nang walang sumasaway sa kanila.
Nilinaw naman ng may-ari na hindi naman totally banned ang mga lampas 40-anyos.
Kundi, ang sign ay nagsisilbing babala lamang tungkol sa maingay na atmosphere.
Kaya kung ang isang “tito” o “tita” ay “young at heart” at handang tiisin ang ingay matapos bigyan ng abiso, pinapapasok pa rin nila ito.
Sa ngayon, epektibo ang stratehiya dahil 90 percent ng kanilang parukyano ay mga nasa edad 20s.










