Kinondena ng Kabataan Partylist Pangasinan ang umano’y kakulangan ng free, prior and informed consent (FPIC) sa isinusulong na pagmimina sa Dupax del Norte, Nueva Vizcaya, na ayon sa grupo ay may pagkakahalintulad sa mga nagaganap na konsultasyon kaugnay ng nuclear power plant project sa bayan ng Labrador dito sa Pangasinan.
Ayon kay Angelo Tejoso, Coordinator ng Kabataan Partylist Pangasinan, kamakailan ay bumisita sa Dupax del Norte ang kanilang kinatawan na si Atty. Renee Co upang alamin ang kalagayan ng mga residenteng maaapektuhan ng operasyon ng isang dayuhang mining corporation na tinukoy bilang woggle Corporation.
Lumitaw umano sa pagbisita na hindi nabigyan ng sapat na impormasyon at pahintulot ang mga residente bago ang pagpasok ng korporasyon sa kanilang mga lupain.
Sinabi ni Tejoso na may mga ulat ng pagpapapirma lamang ng attendance sheets sa mga residente na kalauna’y ginagamit upang ipakitang may pagsang-ayon ang komunidad sa pagmimina, sa kabila ng malinaw na pagtutol ng ilan sa proyekto.
Ikinumpara rin niya ang sitwasyon sa mga konsultasyong isinasagawa kaugnay ng nuclear power plant project sa Labrador, kung saan dumadalo ang mga residente sa mga pulong sa antas-barangay ngunit hindi malinaw kung paano ginagamit ang mga attendance at datos ng mga kalahok.
Ayon pa kay Tejoso, may ugnayan ang pagmimina at mga proyektong nuklear dahil bahagi ng pagmimina ang pagkuha ng mga materyales na ginagamit sa sektor ng enerhiya.
Aniya, kung magpapatuloy ang ganitong proseso sa Dupax del Norte, maaari rin itong mangyari sa iba pang lugar, kabilang ang Pangasinan.
Iginiit din niya na posibleng maapektuhan ng pagmimina ang kabuhayan ng mga residente na pangunahing umaasa sa agrikultura at likas na yaman ng kagubatan.
Kasabay nito, nagpahayag ang Kabataan Partylist Pangasinan ng suporta sa mga pagkilos ng mga residente ng Dupax del Norte at muling inilahad ang kanilang panawagan na ibasura ang Philippine Mining Act of 1995.
Nanawagan din ang grupo sa pamahalaan na tiyaking dumaraan sa wastong konsultasyon at proseso ang mga proyektong ipinatutupad, lalo na sa mga komunidad na direktang maaapektuhan.










