Nagpaalala ang Department of Trade and Industry sa mga negosyante na maging mapanuri sa pagbili ng fire extinguisher ngayong buwan ng Enero, kasabay ng pag-renew ng Mayor’s Permit na isa sa mga pangunahing rekisito para sa pagpapatuloy ng operasyon ng mga negosyo.
Ayon kay Guillermo B. Avelino Jr., Division Chief ng Consumer Protection Division, may mga nagkalat na tinatawag na fly-by-night sellers ng fire extinguisher na nagbebenta ng produkto nang walang kaukulang lisensiya.
Binigyang-diin na ang paggamit ng hindi rehistrado at substandard na fire extinguisher ay maaaring magdulot ng panganib sa buhay at ari-arian, bukod pa sa posibleng paglabag sa umiiral na mga patakaran.
Ipinaliwanag na ang isang lehitimong fire extinguisher ay dapat may PS mark o ICC mark, na nagsisilbing patunay na ito ay dumaan sa tamang pagsusuri at sumusunod sa itinakdang pamantayan ng pamahalaan.
Mahalaga ring suriin kung may nakalagay na PS licence number sa ibabang bahagi ng logo upang matiyak na awtorisado ang produkto at dekalidad ang pagkakagawa nito.
Bukod sa marka at lisensiya, pinayuhan din ang mga mamimili na tiyaking maayos ang kondisyon ng fire extinguisher, kabilang ang mga bahagi tulad ng glove at iba pang safety components, upang masiguro ang pagiging epektibo nito sa oras ng emerhensiya.
Patuloy ang paalala ng DTI sa publiko, lalo na sa mga negosyante, na bumili lamang ng fire extinguishers mula sa mga rehistrado at awtorisadong tindahan.
Sa pamamagitan nito, masisiguro ang kaligtasan ng mga establisimyento at mas mapalalakas ang proteksiyon ng mga mamimili laban sa mapanganib at depektibong produkto.










