Mariing kinondena ng Amihan National Federation of Peasant Women, ang umano’y karahasan laban sa mga kababaihang katutubo at mga residente na tumututol sa operasyon ng pagmimina sa Dupax del Norte, Nueva Vizcaya.

Ayon kay Zen Soriano, Chairperson ng nasabing grupo hindi malinaw kung bakit pinayagan ng gobyerno ang agarang exploration ng isang dayuhang kompanya sa humigit-kumulang 3,800 ektaryang lupain kahit umano’y kulang sa konsultasyon ang mga apektadong komunidad.

Aniya, matagal nang naninirahan sa lugar ang mga katutubo at residente, subalit tila mas pinaboran pa ng korte at ng pamahalaan ang interes ng mga dayuhang negosyante.

--Ads--

Ibinahagi rin niya na hati ang mga opisyal ng barangay sa isyu may ilan na pabor sa proyekto habang ang iba ay mariing tumututol.

Gayunman, iginiit niya na ang pinakamahalagang boses ay ang panig ng mga mamamayan na direktang maaapektuhan ng pagmimina.

Dahil dito, ilang residente ang hinuli matapos ang serye ng mga protesta at pagbarikada sa lugar.

Bagama’t napalaya na ang mga ito, patuloy pa rin umano ang pagbabantay at pagbarikada ng mga residente upang protektahan ang kanilang lupain.

Ayon kay Soriano, pinag-aaralan na rin ng kanilang grupo ang pagsasampa ng kaso laban sa mga pulis na umano’y naging agresibo sa dispersal, lalo’t kababaihan ang nangunguna sa mga barikada.

Binatikos din niya ang pagbibigay ng permit sa pagmimina kahit umano’y kulang sa mga kinakailangang rekisitos upang makapag-operate.

Tinukoy rin ni Soriano ang malaking papel ng social media at ng suporta ng iba’t ibang sektor ng mamamayan sa pagpapalaya sa mga inaresto at sa patuloy na paglaban ng komunidad.

Samantala, tiniyak ng Amihan ang patuloy na suporta sa mga apektadong residente, kabilang ang pagbibigay ng psychosocial intervention upang matulungan ang mga nakasaksi sa karahasan.

Ayon kay Soriano, mahalaga ito upang maiwasan ang trauma, tulad ng bangungot at labis na takot, lalo na sa mga kababaihan at bata.

Nilinaw naman niya na hindi sila tutol sa pagmimina kung ito ay isinasagawa nang responsable.

Gayunman, iginiit niyang dapat mapunta sa mamamayan ang pangunahing benepisyo at hindi sa mga dayuhang kompanya.