Hindi bababa sa 14 ang nasawi at daan-daang libong kabahayan ang nawalan ng kuryente dahil sa winter storm na nararanasan sa ilang bahagi ng Estados Unidos.

Iniulat ang mga pagkamatay sa mga estado ng New York, Tennessee, Louisiana, Massachusetts, Kansas, at Texas, kung saan isang 16 anyos na babae ang nasawi dahil sa sledding accident.

Dahil dito, kinansela ang mga flight at maraming paaralan at kalsada naman ang isinara sa buong bansa.

--Ads--

Nagdala ang winter storm ng mapanganib na kondisyon sa kalsada, kasabay ng sub-zero na temperatura nitong Lunes ng umaga, na ramdam na ramdam kahit sa baybayin ng Gulf Coast.

Naglabas naman ng mga babala mula sa National Weather Service (NWS) mula Texas sa timog hanggang New England sa hilagang-silangan, habang patuloy ang pagtutok sa lagay ng panahon sa mga apektadong lugar.