DAGUPAN CITY- Nahaharap pa rin sa hamon ng kakulangan sa classrooms ang mga Senior High School sa Dagupan City sa kabila ng sapat na bilang ng mga guro sa lungsod.

Ayon kay Dr. Edwin Ferrer,District Supervisor for Senior High School na apektado ang ilang mga classroom sa ilang paaralan na kanyang nasasakupan dahil sa mga kalamidad na tumama sa lungsod gaya ng lindol na nagsanhi ng pagkabitak dahilan upang hindi na magamit.

May mga iba din na hindi napapakinabangan dahil kapag tag-ulan ay nalulubog sa baha.

--Ads--

Pero kahit pa ganun aniya, gumagawa na ng paraan ang City government, Schools Division Office, kasama ang buong DepEd, upang matugunan ang pangangailangan sa classrooms kung saan may mga ginawa nang mga dagdag classroom para ngayong taon.

Dahil sa kakulangan nito, nagpapatupad parin sa ngayon ng shifting schedules sa ilang paaralan para kahit papano ay nagpapatuloy parin ang pag-aaral ng mga bata.

Bukod dito, ginagamit din ang Alternative Delivery Mode (ADM) para sa mga estudyanteng may special cases na hindi makapasok sa regular classes upang hindi sila mahinto sa pag-aaral.

Hinimok din ni Dr. Ferrer ang mga estudyante na unahin ang pag-aaral dahil ito ay kayamanang hindi mananakaw ninuman.

Nanawagan din siya sa mga magulang na suportahan ang kanilang mga anak dahil hindi magagawa ng DepEd ang dekalidad na edukasyon kung hindi sila susuportahan.

Nagpasalamat din siya sa mga guro sa kanilang serbisyo at sakripisyo, at hinimok silang huwag magsawa na magbigay ng dekalidad na edukasyon.

Sa huli, dapat aniyang magtulungan at magsama-sama dahil ang edukasyon ay hindi lamang responsibilidad ng DepEd, kundi ng buong komunidad.