Dagupan City – Tiniyak ng Binmaley Police Station sa pangunguna ni PLtCol. Lister A. Saygo, OIC ng PNP Binmaley, ang kahandaan ng kapulisan para sa nalalapit na Sigay Festival ng bayan ng Binmaley, kasabay ng inaasahang pagdagsa ng mga bisita at pagdaraos ng iba’t ibang aktibidad bilang bahagi ng selebrasyon.

Ang Sigay Festival ay nagsimula ng Enero 25 at magtatapos sa Pebrero 3, 2026, bilang opisyal na pagbubukas ng mga aktibidad ng bayan ng Binmaley.

Ayon kay Pltcol. Lister A. Saygo, Officer In Charge ng Binmaley PNP, bilang paghahanda nakipag-ugnayan na sila Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at iba pang tanggapan ng lokal na pamahalaan upang maipatupad ang mga hakbang sa seguridad at pamamahala ng trapiko.

--Ads--

Aniya, pinatupad ang Memorandum na pirmado ng alkalde, bilang batayan sa road re-routing at pansamantalang pagsasara ng mga kalsada sa panahon ng mga aktibidad.

Isa sa mga pangunahing araw ng selebrasyon ay sa Pebrero 1, kung saan isasagawa ang civic parade na lalahukan ng iba’t ibang organisasyon at inaasahang dadagsain ng mga manonood. Sa araw na ito, pansamantalang isasara ang ilang pangunahing kalsada mula alas-8 ng umaga hanggang alas-11 ng umaga.

Maaga ring ipatutupad ng PNP Binmaley ang mga road closure at diversion upang mabawasan ang dami ng sasakyang papasok sa Poblacion, lalo na sa panahon ng civic parade, prusisyon, at mga aktibidad sa Kalutan ed Binmaley.

Nanawagan ang PNP Binmaley sa publiko na makipagtulungan at sumunod sa ipatutupad na traffic advisories, at hinihikayat ang paggamit ng light vehicles lamang upang maiwasan ang abala at diversion.