Dagupan City – Posibleng abutin pa ng susunod na eleksyon ang magiging proseso ng impeachment complaint na inihain ng Makabayan bloc laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ang paliwanag ni Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang constitutional law expert matapos na naunang hindi tinanggap ng Kamara ang impeachment complaint dahil sa umano’y wala doon ang Secretary General.
Aniya, malinaw sa mga patakaran na ang isang impeachment complaint ay kailangang maisama kaagad sa agenda ng Kongreso sa loob ng sampung (10) calendar days mula sa paghahain nito.
Kung kaya’t maaaring isa ito aniya sa dahilan, kung bakit hindi tinanggap ang dokumento dahil kapag hindi inaksyunan at nanatiling nakatengga, maaari pa itong magdulot ng mas malaking problema sa proseso.
Dagdag pa niya, ang pagpirma kasi sa dokumento para sa transmission ay hindi dapat basta pormalidad lamang kundi kinakailangan pang mapatunayan na nabasa at naunawaan ang nilalaman ng reklamo.
Kaya’t ani Cera kung iginiit umano ng Office of the Secretary General na personal na tanggapin ng Secretary General ang reklamo, dapat itong sundin.
Samantala, dahil sa umano’y mga pagbabagong administratibo at masalimuot na proseso ng mga inihahaing complaint sa Pangulo at matatandaang inihain ding impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, iniuugnay ni Cera ang posibilidad na maantala ang impeachment proceedings hanggang sa sumapit ang susunod na eleksyon.
Aniya, kapansin-pansin na rin kasi sa kasalukuyan na may mga indibidwal na ring hayagang nagbabanggit ng kanilang hangaring tumakbo sa iba’t ibang posisyon sa nalalapit na halalan.
Samantala, kaugnay naman ng mga lumalabas na survey para sa 2028 elections, binigyang-diin nito na hindi awtomatikong nagiging resulta ng eleksyon ang mga datos mula sa survey.










