Dagupan City – Nagpaalala ang Pamahalaang Lungsod ng Dagupan na huwag basta – basta magbigay ng tubig o pagkain sa mga biktima ng aksidente dahil ang pagbibigay umano ng tubig sa biktima, lalo na kung siya ay wala sa tamang kalagayan, ay maaaring magdulot ng pagpasok ng tubig sa baga, na magpapahirap sa kanyang paghinga at maaaring magresulta sa pagkakamatay ng sangkot sa aksidente.
Kung ang biktima ay wala sa tamang ulirat o may pinsala sa katawan, tulad ng sa ulo, tiyan, o dibdib, ang pagbibigay ng pagkain o tubig ay puwedeng magpalala ng kanyang kondisyon.
May mga pagkakataon ding ang biktima ay kailangang operahan agad, at kung may laman ang tiyan niya, maaaring magsuka siya habang ino-opera, na magdudulot ng malubhang problema.
Isa pa sa ipinaalala ay kapag ang biktima ay walang malay, hindi niya kayang lunukin ng maayos ang tubig, kaya maaari siyang mabilaukan.
Kayat giit ng LGU na ang tamang gagawin ay tumawag agad sa emergency numbers at tiyaking ligtas ang paligid.
Huwag galawin ang biktima, huwag siyang piliting uminom o kumain, at huwag alisin ang helmet kung kinakailangan.










