Aabot sa 86 katao ang inaresto matapos pasukin ng isang grupo ng mga nagpoprotesta ang bakuran ng Wormwood Scrubs Prison sa London, ayon sa Metropolitan Police.
Ang mga nagprotesta ay sumusuporta umano sa isang aktibistang may kaugnayan sa Palestine Action na kasalukuyang nagsasagawa ng hunger strike habang nakakulong sa naturang piitan.
Batay sa ulat ng pulisya, tumanggi ang grupo na lisanin ang lugar kahit pa inutusan na silang umalis.
Inaakusahan din ang mga nagpoprotesta na hinarangan ang pagpasok at paglabas ng mga kawani ng bilangguan, gayundin ang pananakot umano sa ilang pulis na rumesponde sa insidente.
Ayon pa sa Metropolitan Police, ilan sa mga nagprotesta ang nakapasok sa staff entrance area ng isa sa mga gusali ng kulungan.
Gayunman, nilinaw ng mga awtoridad na hindi nakalusot ang grupo sa mas mahigpit na bahagi ng seguridad ng piitan.
Ang lahat ng inaresto ay nahaharap sa kasong aggravated trespass, o iligal na pagpasok sa isang lugar na may kasamang pananakot o panggugulo.










