Nabalot ng makapal na snow ang White House at iba pang bahagi ng kabisera ng Estados Unidos kasunod ng malakas na winter storm na tumama sa malaking bahagi ng bansa.

Dahil sa patuloy na paglala ng masamang panahon, inaprubahan ni U.S. President Donald Trump ang federal emergency disaster declarations sa ilang estado na lubhang naapektuhan ng snowstorm at matinding lamig.

Kabilang sa mga estadong ito ang South Carolina, Virginia, Tennessee, Georgia, North Carolina, Maryland, Arkansas, Kentucky, Louisiana, Mississippi, Indiana, at West Virginia.

--Ads--

Bukod dito, nagdeklara rin ng weather emergencies ang kabuuang 17 estado, kasama ang District of Columbia, ayon sa U.S. Department of Homeland Security.

Layunin ng deklarasyon na mapabilis ang paglalaan ng pondo at tulong para sa rescue operations, clearing ng mga kalsada, at pagbibigay ng agarang tulong sa mga residenteng naapektuhan.

Nagbabala ang mga awtoridad na maaaring magdulot ang winter storm ng mapanganib na kondisyon sa mga kalsada, kanselasyon ng mga biyahe, at posibleng pagkawala ng kuryente sa ilang lugar.

Pinayuhan naman ang publiko na manatili sa loob ng kanilang mga tahanan hangga’t maaari at makinig sa mga abiso mula sa lokal na pamahalaan at weather agencies.