DAGUPAN CITY- Aktibong nakipagtulungan ang Rotary Club of Central Pangasinan sa Autism Society at iba pang organisasyon upang higit pang mapalawak ang saklaw ng ikalawang Ausome Walk, isang aktibidad na naglalayong isulong ang autism awareness, inklusyon, at pagtanggap sa komunidad.
Ayon sa pamunuan ng Rotary Club, ang kolaborasyon ay bahagi ng layunin na mas mapabuti at mapalakas ang epekto ng aktibidad kumpara sa unang taon ng pagdaraos nito.
Bilang pangulo ng Rotary Club of Central Pangasinan, binigyang-diin ni Dr. Feliciano V. Bautista Jr. ang kahalagahan ng pagtutulungan ng iba’t ibang sektor upang mas maraming tao ang maabot ng adbokasiya.
Isa sa mga naging katuwang ng organisasyon ay ang mga mag-aaral ng University of Luzon, partikular ang mga nursing students, na nabigyan ng pagkakataong mas maunawaan ang kalagayan at pangangailangan ng mga batang nasa autism spectrum. Sa pamamagitan nito, mas nahubog ang kamalayan ng mga kabataang mag-aaral sa tamang paglapit, pag-unawa, at paggalang sa mga indibidwal na may special needs.
Ipinunto rin na bagama’t may mga natatanging pangangailangan ang mga batang may autism, sila ay nananatiling mga indibidwal na may kakayahang magtagumpay at maging produktibong bahagi ng lipunan kung bibigyan ng tamang suporta at pag-unawa.
Mahalaga ang tamang kaalaman at kamalayan upang maging mas madali ang pag-aangkop ng komunidad at maibigay ang nararapat na pagtugon sa kanilang mga pangangailangan.
Bilang isang manggagamot at guro, itinuturing ding mahalagang responsibilidad ang pagpapalawak ng kaalaman ng mga mag-aaral sa larangan ng kalusugan tungkol sa autism at iba pang kondisyon.
Sa ganitong paraan, mas nagiging handa ang mga susunod na propesyonal na maglingkod nang may malasakit at pang-unawa.
Ang aktibidad ay nakaangkla rin sa temang “Unite for Good” ng Rotary, na nagbibigay-diin sa pagkakaisa ng lahat, may autism man o wala, tungo sa pagbuo ng mas maayos at mas inklusibong komunidad.
Ipinakita ng mas malawak na partisipasyon at mas malaking atensyon ng publiko ngayong taon ang patuloy na pag-usad ng adbokasiya kumpara sa nakaraang taon.
Samantala, binigyang-halaga rin ni Ms. Catherine Shua, magulang, ang kahalagahan ng pagiging bukas at hindi pagtatago ng kalagayan ng kanilang mga anak.
Isa sa mga magulang at matagal nang kasapi ng autism advocacy ang nagpahayag na mahigit isang dekada na ang kanilang pakikibahagi sa Dagupan Autism Society, at nananatili ang kanilang suporta para sa kanilang mga anak at sa komunidad.
Ayon sa kanila, bagama’t kinikilala ang pagkakaiba ng bawat isa, mas mahalaga ang pagkakaisa at pagtanggap.
Hinikayat din ang kapwa magulang ng mga batang may special needs na manatiling matatag at huwag mapagod sa pag-unawa at pagmamahal sa kanilang mga anak.
Para naman sa publiko, binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkatuto na mahalin, tanggapin, at unawain ang mga batang may autism bilang mahalagang bahagi ng isang masaya at magkakaibang komunidad.










