DAGUPAN CITY- Hinikayat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang publiko na maging maingat at responsable sa paggamit ng pampublikong internet connection upang maiwasan ang mga banta sa seguridad ng personal na impormasyon.

Ito ay sa gitna ng patuloy na pagdami ng mga libreng wifi sa pampublikong lugar sa bansa para mapalakas ang internet connection sa bansa.

Ayon sa PDRRMO, bagama’t nakatutulong ang public WiFi sa mabilis na komunikasyon at pag-access ng impormasyon, mahalagang tandaan na may kaakibat itong panganib, lalo na kung walang sapat na kaalaman at pag-iingat ang mga gumagamit.

--Ads--

Dahil bukas ito sa publiko, mas mataas umano ang posibilidad na ma-access ng mga hindi awtorisadong indibidwal ang datos na ipinapadala at tinatanggap ng mga konektado rito.

Bilang bahagi ng disaster preparedness at public safety information, nagbigay ang PDRRMO ng ilang paalala upang mabawasan ang panganib ng cybercrime.

Kabilang dito ang pag-iwas sa online banking, paggamit ng e-wallets, paglalagay ng passwords at one-time passwords (OTP), pagbubukas ng sensitibong accounts, at pagda-download ng mga aplikasyon o files habang gumagamit ng public WiFi.

Pinayuhan din ang publiko na tiyakin ang tamang pangalan ng WiFi network bago kumonekta, gumamit lamang ng mga website na may “https,” i-off ang auto-connect at file sharing features, mag-log out matapos gamitin ang internet, at limitahan ang oras ng koneksyon.

Sa pamamagitan ng mga paalalang ito, layunin ng PDRRMO na mapataas ang kamalayan ng publiko hinggil sa digital safety at maiwasan ang posibleng insidente ng pagnanakaw ng impormasyon at iba pang uri ng cybercrime.