Hindi pa sapat ang suportang ibinibigay ng pamahalaan para sa mas maayos na implementasyon ng Matatag Curriculum.

Ayon kay France Castro, Former Representative, Alliance of Concerned Teachers, sinimulan ang pilot testing ng nasabing kurikulum noong school year 2023–2024 sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Limang core subjects ang saklaw ng bagong kurikulum na layong palakasin ang pundasyong kasanayan ng mga mag-aaral.

--Ads--

Batay sa feedback ng mga guro, mahaba at mabigat ang paghahanda na kinakailangan upang maisakatuparan ito.

Mahigit ₱2 bilyong pondo ang inilaan para sa pilot implementation, ngunit ayon sa mga guro, kulang ang training na kanilang natanggap.

Dagdag pa rito, marami umanong paaralan ang walang sapat na instructional materials, o kung mayroon man ay nahuhuli ang pagdating.

Bagama’t anim na oras lamang ang itinakdang teaching load ng mga guro, sinabi ni Castro na umaabot sa mahigit walong oras ang aktuwal na oras na kanilang inilalaan araw-araw dahil sa paghahanda ng mga aktibidad at lesson plan na hinihingi ng bagong kurikulum.

Giit niya, kinakailangang ayusin ang implementasyon ng Matatag Curriculum upang masiguro na epektibo itong naipatutupad nang hindi nagiging dagdag na pasanin sa mga guro, na patuloy na nagsisilbing gulugod ng sistema ng edukasyon sa bansa.