DAGUPAN CITY- Nasawi ang isang 74 anyos na lalakimatapos masangkot sa isang aksidente sa Barangay Banaoang, Mangaldan, bandang alas-otso ng umaga, Enero 22, 2026.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, kapwa binabagtas ng siklista at ng motorsiklo ang parehong kalsada patungong bayan ng Mangaldan nang bigla umanong masagi ng motorsiklo ang bisikletang minamaneho ng biktima.

Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang siklista at nagtamo ng malubhang pinsala sa ulo.

--Ads--

Ang biktima ay residente ng Barangay Osiem, Mangaldan. Agad siyang isinugod sa pinakamalapit na pagamutan, subalit idineklara ring patay bandang alas-dose ng tanghali dahil sa tindi ng tinamong sugat.

Dinala rin sa ospital ang rider ng motorsiklo matapos magtamo ng minor na mga sugat.

Ayon sa mga awtoridad, wala namang indikasyon na nasa ilalim ng impluwensiya ng alak ang alinman sa dalawang sangkot sa insidente.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Mangaldan Police Station ang rider ng motorsiklo, habang hinihintay ang desisyon ng pamilya ng biktima kung maghahain ng kaukulang kaso.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pananagutan sa insidente.

Samantala, muling pinaalalahanan ng kapulisan ang publiko, lalo na ang mga motorista at siklista, na maging maingat at responsable sa pagmamaneho upang maiwasan ang kaparehong aksidente.