DAGUPAN CITY- Higit-kumulang na 160,500 sqm ang kabuoan ng planta ng marijuana ang napagtagumpayang sirain ng Philippine Drug Enforcement Group (PDEA) Region 1 sa kanilang eradication operations noong January .
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Benjamin Gaspi, Director ng PDEA Region 1, katuwang ang kapulisan, naisagawa nila ito sa kabuoang 144 plantasyon sa kabundukan ng Sugpon, Ilocos Sur at Kibungan, Benguet.
Aniya, ang tagumpay ay nakamit dahil na rin sa tulong ng mga concerned citizens at local government officials na inilalapit sa mga awtoridad ang ganitong uri ng problema.
Kasunod naman ng operasyon ang pagsasagawa ng inventory at ang pagsasampa ng kaso sa korte.
Ang mga itinanim na marijuana ay sinusunog na rin sa lugar kung saan ito natagpuan hanggang sa maging abo at kumukuha lamang ng ilang bahagi para dalhin sa laboratory upang berepikahin.
Bagaman may mga kinakaharap na balakid sa bawat operasyon ay hindi naman aniya humihinto ang kanilang ahensya upang mailigtas ang publiko mula sa paggamit ng illegal na droga.
Mahaharap naman ang akusadong cultivators at mga sangkot sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at mahahatulan ng habang-buhay na pagkakakulong.
Samantala, binigyan linaw naman ni Atty. Gaspi na sa ganitong operasyon ay inaabisuhan ang mga operatiba na magsuot ng facemask at lumayo sa sinusunog na marijuana upang hindi makapagdulot ng epekto sa kanila.
Dagdag npa ni Gaspi, patuloy ang kanilang ahensya sa pagsasagawa ng mga operasyon kontra illegal na droga.










