DAGUPAN CITY- Matagumpay na nasamsam ng Labrador Police Station ang 101 kahon ng pinaghihinalaang smuggled at ilegal na sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng humigit-kumulang walong milyon limampu’t limang libong piso sa isinagawang preventive checkpoint operation sa Barangay Magsaysay, Labrador dito sa lalawigan ng Pangasinan
Ayon kay PLt. Ronaldo Aquino, Deputy Chief of Police PNP Labrador, habang isinasagawa ang checkpoint ay napansin ng mga tauhan ang isang Isuzu Elf Crosswind na may kahina-hinalang kilos at tinangkang iwasan ang operasyon. Agad itong pinara ng mga pulis para sa kaukulang inspeksyon.
Lulan ng sasakyan ang dalawang dayuhang Chinese national na kalauna’y nakitaan ng mga paglabag habang kinakausap ang mga pulis na naghahanda ng checkpoint.
Dahil sa nagawang paunang paglabag ng mga suspek, isinagawa ang isang balidong paghahalughog na kaugnay ng legal na pag-aresto.
Dinala ang sasakyan sa Labrador Police Station kung saan natuklasan sa loob nito ang malaking bulto ng mga sigarilyong walang kaukulang dokumento.
Sa isinagawang beripikasyon at koordinasyon sa iba pang kinauukulang ahensya ng pamahalaan, napag-alamang ang mga nasabat na sigarilyo ay walang ebidensya ng legal na pag-aangkat.
Samantala, patong-patong ang kaso ng mga suspek, kabilang ang kasong paglabag sa Article 212 ng Revised Penal Code o Corruption of Public Officials, paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act, at paglabag sa Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code ang isinampa laban sa mga suspek.
Batay sa paunang imbestigasyon, lumilitaw na ang mga suspek ay may mataas na antas ng organisasyon at propesyonalismo, na posibleng indikasyon ng mas malawak na sindikatong sangkot sa ilegal na kalakalan ng sigarilyo.
Napag-alaman din na patungo umano sa direksyon ng Alaminos City ang mga suspek at posibleng nagmula sa ibang lugar sa lalawigan.
Pinaniniwalaan ng mga awtoridad na hindi lamang ang dalawang suspek ang sangkot sa ganitong uri ng ilegal na aktibidad at may posibilidad na may iba pa silang kasabwat.
Ito ang kauna-unahang insidente sa Labrador na may kinalaman sa ganitong kalaking bulto ng smuggled na sigarilyo.










