Bahagyang tumataas umano sa kasalukuyan ang presyo ng palay sa bansa.
Ayon kay Leonardo Montemayor, Chairman ng Federation of Free Farmers (FFF), isa sa mga dahilan nito ay ang pagkaubos ng stock ng imported na bigas sa merkado.
Gayunman, nagpahayag ng pangamba ang FFF hinggil sa posibilidad ng muling malawakang pag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa na magreresulta sa kanilang pagkalugi dahil sa posibleng pagbaba naman ng presyo ng palay.
Ayon kay Montemayor, mahalagang isaalang-alang ng pamahalaan ang tamang timing ng rice importation upang hindi nito maapektuhan ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.
Panawagan ng FFF na huwag isabay ang pag-angkat ng imported na bigas sa panahon ng anihan, dahil ito lamang ang pagkakataon ng mga magsasaka na makabawi sa kanilang puhunan at kumita mula sa kanilang ani.
Kapag pumasok anila ang murang imported na bigas sa kasagsagan ng anihan, bumabagsak ang presyo ng palay at nalulugi ang mga magsasaka.
Giit pa ng grupo na dapat limitahan ang pagpasok ng imported na bigas at tiyaking nakabatay lamang ito sa aktuwal na pangangailangan ng bansa, upang mapanatili ang balanse sa suplay at maprotektahan ang lokal na produksyon.
Matatandaang noong nakaraang taon ay nagtapos ang ipinatupad na rice importation ban, na pansamantalang nagbigay-proteksyon sa mga lokal na magsasaka.
Ayon sa FFF, mahalagang matuto ang pamahalaan mula sa mga naging epekto ng naturang polisiya upang makabuo ng mas maayos at makatarungang patakaran sa sektor ng agrikultura.










